Mga Pinoy sa Iran ililikas, 3 bansa kinakausap sa ruta

MANILA, Philippines — Nakikipag-ugnayan ang Embahada ng Pilipinas sa Tehran sa mga diplomat mula sa Azerbaijan, Türkiye, at Turkmenistan kaugnay sa posibleng mga ruta na dadaanan kapag lumala ang sitwasyon ng seguridad sa Iran at kailangan ng ilikas ang mga Pilipino.
Sinabi ni Philippine Ambassador to Iran Roberto Manalo na nakipag-usap siya sa mga ambassadors ng 3 bansa bilang bahagi ng contingency plan ng embahada.
Patuloy pa rin ang palitan ng missile attacks sa pagitan ng Israel at Iran.
“Nakausap ko na ang mga ambassadors ng mga bayan na iyan dito sa Iran and we will negotiate with them,” ani Manalo.
Kung kinakailangan aniyang mag-evacuate sa pamamagitan ng land travel ay gagawin nila ito base sa utos ng Department of Foreign Affairs.
Samantala, iniulat ng envoy na walang Pilipinong nasaktan sa mga welga ng Israel ngunit sinabing nananatiling “tense” ang sitwasyon sa Iran.
Nanatili aniyang tensiyonado ang sitwasyon sa Iran at patuloy ang ginagawa nilang pag-iingat.
“So far, safe pa naman kami dito. Of course we are taking great precaution,” ani Manalo.
“Careful kami sa aming mga paggalaw dito sa Tehran, sa Iran. Maya’t maya ay may dumarating na mga pag-atake ng Israel. Sa ngayon ay panay ang aming payo sa mga kababayan na manatili sa kanilang tinitirahan,” dagdag ni Manalo.
Mayroong humigit-kumulang 700 Pilipino ang kasalukuyang nakarehistro sa database ng embahada sa Iran, karamihan sa kanila ay kasal sa mga Iranian national.
Idinagdag ni Manalo na wala pa sa mga Pilipino ang humihiling ng repatriation.
- Latest