Rehistro ng Duterte Youth partylist group, kinansela ng Comelec
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia na kinansela ng Comelec 2nd Division ang registration ng Duterte Youth partylist.
Ayon kay Garcia, sa botong 2-1, nagdesisyon ang Comelec 2nd Division na kanselahin ang rehistro ng naturang partylist group bunsod ng kasong inihain noong taong 2019 laban sa naturang grupo.
Sa naturang petisyon, na na-promulgate lamang kahapon, ilang youth leaders ang nagsampa ng petisyon sa poll body na humihiling na ipawalang-saysay ang rehistro ng Duterte Youth dahil inaprubahan ito ng Comelec en banc nang hindi inilalathala ang petisyon para dito at hindi rin nagsasagawa ng kaukulang pagdinig sa aplikasyon ng partylist, na alinsunod sa Partylist System Act.
Samantala, nilinaw rin naman ni Garcia na ang naturang desisyon ay hindi pa final and executory. Maaari pa rin aniyang maghain ng apela o motion for reconsideration hinggil dito ang Duterte Youth.
Hindi pa rin naipuproklama ang grupo dahil na rin sa mga kasong kinakaharap nito at nakabinbin pa sa Comelec.
- Latest