PNP binantayan ang balik-eskuwela
ABALA ang PNP sa pagbubukas ng klase kahapon. Naging handa sila sa pagbibigay ng seguridad sa mga nagbalik-eskuwela. Ipinag-utos ni PNP chief Gen. Nicolas Torre III ang deployment nang maraming pulis upang maproteksiyunan sa masasamang loob ang mga estudyante.
Ngayong balik-eskuwela ang mga mag-aaral tiyak na balik din sa panghoholdap at pang-i-snatch ang mga kawatan. Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, maraming nabiktimang estudyante kaya tama lamang na mag-deploy nang maraming pulis para mabantayan ang mga ito.
Kasabay sa pagbabantay sa mga balik-eskuwela, ipinatupad na rin ni Torre ang 5-minute response policy. Direktiba niya sa lahat ng mga pulis na tumugon sa mga tawag ng mamamayan na nasa panganib sa loob ng limang minuto.
Hindi na raw maaatraso ang pulisya sa pagtugon sa emergency dahil ipatutupad na ang “5-Minute Response Time”. Sa loob ng limang minuto, darating ang mga pulis sa lugar na pinangyayarihan ng krimen. Ipatutupad ito sa Metro Manila (NCRPO), Central Luzon (PRO3) at Calabarzon (PRO4-A). I-dial lamang umano ang 911 at sa loob ng limang minuto, darating ang mga pulis.
Samantala, sinabi ni Torre na ang pag-promote sa mga pulis ay base sa accomplishment at kailangan na matugunan nito ang requirement ng pangangatawan. Kailangang kayanin ng isang pulis ang 100 push-ups. Kaya nararapat na mag-umpisa nang mag-trim ng katawan ang mga pulis para ma-promote at para rin makaganap sa tungkulin.
- Latest