Ex-pulis na bumatikos sa gobyerno, naaresto
MANILA, Philippines — Arestado ang isang dating pulis na sinibak sa serbisyo kaugnay ng kasong sedition matapos na batikusin ang gobyerno sa pagdakip sa dating Pangulo Rodrigo Duterte.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), ang dating police patrolman at vlogger na si Francis Steve Fontillas, ay inaresto ng kanyang mga kabaro sa bisa ng warrant of arrest ng Quezon City Regional Trial Court Branch 224, sa inciting to sedition case na may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act, na may inirekomendang piyansa na P36,000.00.
Ang kaso ay kaugnay sa mga naging pahayag ni Fontillas sa Facebook, habang siya ay nakasuot pa ng uniporme ng Philippine National Police noong Marso 12 at 13, 2025, na naging viral.
Una nang kinondena ni Fontillas ang ginawang pagdakip kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na may kinakaharap na kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Hinikayat din niya sa kaniyang video ang mga kasamahang pulis na ilabas sa komento ang mga hinaing at huwag paaabuso sa mga utos na hindi dapat sundin at iparating sa nasa itaas ang mga reklamo.
Hayagan niyang binatikos ang pamunuan at mga opisyal ng PNP at ang Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na labag sa batas ang pagdakip kay Duterte, na para sa kaniya ay hindi niya susundin.
Naghamon pa siya na handa siyang ipatawag ng Malakanyang at tatayuan niya at haharap siya upang patunayan na siya ang nagsasabi ng mga batikos sa administrasyon Marcos.
- Latest