Lider ng NPA, 2 pa todas sa engkuwentro!

MANILA, Philippines — Umiskor ang tropa ng militar matapos mapaslang ang tatlong mga rebeldeng New People’s Army (NPA) kabilang ang isang lider ng komunistang grupo habang dalawa ang nabitag sa serye ng bakbakan sa Brgy, Bugas-Bugas, Placer, Surigao del Norte, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng AFP- Eastern Mindano Command, ang limang na-neutralisang NPA rebels ay mula Hunyo 13 hanggang Hunyo 15 ng taong ito.
Kinilala ang nasawing lider ng NPA na si Roderick Bensing alyas Ka Rodel, top leader ng komunistang grupo sa CARAGA Region.
Bukod kay Ka Rodel napaslang din ang dalawang iba pa kabilang ang amasonang si Liezl Mondejar na binawian ng buhay sa pagamutan.
Samantala, sumurender sa tropa ng mga sundalo matapos na makorner si Ricky Per alyas “Rem”, isa pang lider ng NPA sa rehiyon. Isinuko rin nito ang isang cal. 45 caliber pistol at itinuro ang arms cache ng NPA at narekober ang isa pang M16 rifle, isang rifle grenade, sari-saring mga magazine, mga bala, bandoliers at mobile phones.
Isa pa ang nabitag na kinilalang si Allan Cacatian alyas “Allen” sa nasabi ring operasyon matapos makorner ng mga sundalo.
Nabatid na nagsagawa ng joint operation ang 30th Infantry Battalion sa ilalim ng Army’s 901st Infantry Brigade at Intelligence units ng 4th ID katuwang ang iba pang security forces.
- Latest