Sasapat kaya ang katalinuhan ng Senado?
MATAPOS soplahin ng maraming eksperto sa batas ay nagpakitang gilas ang Senado at nagmamadaling kumilos upang ipakita sa sambayanan ang pagnanais nilang ituloy ang impeachment proceeding laban kay VP Sara Duterte. Huwag sanang mangyaring matulad ang Senado sa ginawang hakbang na paghuhugas kamay ni Pontio Pilato matapos ang pagpili ng tao kay Barabas laban kay Hesus.
Naging sentro ng batikos si Senate President Chiz Escudero ng publiko dahil sa ipinakita nitong pananabang sa ginawang trabaho ng mga kongresistang bumuo ng konklusyon upang isulong ang impeachment complaints para dinggin at hatulan ng mga senador si Sara. Magaling na abogado at matalim magsalita si Chiz, mahina nga lamang daw makiramdam!
Ang bantang pag-aaklas ng mga may kredibilidad na propesyonal at estudyante mula sa prestihiyosong mga unibersidad ay hindi puwedeng balewalain ng mga senador dahil nangyari na ito noon hanggang sa mapilitang magbitiw sa tungkulin si dating President Joseph Estrada noong January 20, 2001.
Baka naman daw nabuo sa isip ni Chiz at ng iba pang mga senador na mahinang puwersa naman ang mga pumanday ng sakdal kay Sara dahil sina Benny Abante, Caraps Paduano, Dan Fernandez, Arlene Brosas at France Castro ay naging mga talunan sa nakaraang eleksyon. Baka nga kaya lalong naghimagsik, ‘di ba?
Ang pamamayagpag ng Duterte Camp senatorial candidates noong nakaraang eleksyon ay isa diumanong maliwanag na resulta ng “protest votes” dahil sa pagkakaaresto kay dating Presidente Digong. Kaya ba pinalakas din ang protest movement laban sa senado at isinentro kay Chiz?
Nakapangangamba ang ano mang magiging resulta sa impeachment proceeding dahil siguradong malalagay sa kompromiso ang iba’t ibang industriya na ikinabubuhay ng mahihirap na Pilipino. Maraming negosyante ang nag-iipit ng pamumuhunan dahil kinakabahan sa maaring idulot na kaguluhan sakaling mapatalsik si Sara o mapawalang sala. Parehong may puwersa na kayang magdulot ng gulo ang magkabilang panig.
Kailangan na nang buong bansa ang pagkakaisa ng iba’t ibang sektor lalo na ang mga sektor ng relihiyon upang maitaguyod natin ang magandang pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Marami sa pulitiko ang utak demonyong tulad ni Lucifer na unang naitalang namulitika at nambuyo sa kapwa anghel kaya napahamak.
- Latest