Pangulong Marcos: Kahit kaibigan kung ‘di nagawa trabaho, sibak!

MANILA, Philippines — Binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng gobyerno na tamad at hindi nagtatrabaho na kumilos o lumayas sa kanilang puwesto.
“We have to be very, very strict. Look, kahit kaibigan kita, mahal kita at lahat, pero hindi mo nagagawa yung trabaho, eh. Hindi naman ito tungkol sa pagkakaibigan o pagmamahal natin sa isa’t isa kung hindi para sa serbisyo para sa tao,” giit ng Pangulo.
Sa ikalawang bahagi ng podcast ng Pangulo, tiniyak niya na mula ngayon ay dapat mas maging maingat, responsable at mahusay ang trabaho ng mga opisyal ng gobyerno hindi lang sa malalaking proyekto kundi maging sa maliliit na bagay sa pamahalaan.
Giit ni Marcos, ayaw na niya ng “business as usual” dahil ito ang naging problema sa dekadang taon kaya hindi napapagbuti ang trabaho ng mga opisyal at madalas ay nambobola lang sa isinusumite sa kanyang report sa pagsasabing okey na ang proyekto subalit marami pa rin palpak.
“Ayoko talaga yung ‘business as usual’ kasi ang dami nating problema; naging problema yan kasi ‘business as usual’ tayo nang katagal-tagal. Ilang dekada tayong ‘business as usual.’ Eh anong nangyari sa atin?” wika ni Marcos.
“At any level of government, it’s very different to receive— makatanggap ka ng report, na sasabihin, natapos namin yung project, ganito yung ginastos namin, may picture na maganda. Pero pag pinuntahan mo, iba. Iba talaga. Totoo pala yung report, maganda yung report. Alam mo na yung taong yun hindi nagsisinungaling sa iyo,” sabi ng Pangulo.
“Halimbawa, may report, napakaganda ng lahat, pero may kaibigan ka na taga-doon, sabihin, ‘Boss, hindi totoo yan, hindi nila natapos.’ ‘Talaga?’ ‘Oo,’ ‘Halika, puntahan natin.’ Doon. Pag-explain-in mo yung tao. Siyempre kung anu-ano yung mga paliwanag niya,” kuwento ng Pangulo.
Layon nila na ma-hit ang target sa tamang panahon at ito ay dapat ipatupad hindi lang sa pinakamalalaking legacy projects kundi maging sa malalaking transportation project, agricultural project at maging sa mga simpleng lagayan ng basurahan, hagdan na hindi maayos, madulas at mga escalator na hindi gumagana.
Inihalimbawa niya ang San Juanico bridge na inaabot ng tatlong araw para makatawid ang mga biyahero na dapat ay hindi isinasantabi at dapat ay inaaksyunan agad.
Kung ganito aniya ang opisyal ng pamahalaan at ganito ang klaseng trabaho, mabuti pang tumabi-tabi na lamang o umalis na siya at hayaan ang ibang opisyal na makapagtrabaho ng maayos.
- Latest