Dalagang naghanap ng cellphone signal, ni-rape slay

MANILA, Philippines — Natagpuang patay na walang saplot sa katawan ang isang 18-anyos na dalaga na hinihinalang ni-rape slay matapos lumabas ng kanilang bahay para maghanap ng cellphone signal sa Old Bulatukan, Makilala, North Cotabato nitong Miyerkules ng umaga.
Ang biktima ay nakilalang si alyas “Rhona” ay narekober ang hubo’t hubad na bangkay na tadtad ng mga sugat at galos na nakahandusay sa isang sapa sa nasabing lugar.
Sa report ng Makilala Police, ang biktima ay lumabas ng kanilang bahay noong Hunyo 10 (Martes) ng gabi bandang alas-7:30 ng gabi para maghanap ng signal ng cellphone pero nabigo na itong makabalik ng kanilang tahanan.
Base sa imbestigasyon, isang concerned citizen ang nakatagpo sa bangkay ng biktima sa isang sapa sa loob ng Boy Scout Camp compound sa Old Bulatukan ng bayang ito bandang alas-7:30 ng umaga noong Miyerkules.
Ang insidente ay agad namang inireport sa mga otoridad na iprinoseso ang crime scene.
Nadiskubre rin na may sugat sa ulo sa harapan at likuran ang biktima sanhi ng pagpalo ng matigas na bagay na hinihinalang siya nitong ikinasawi.
Kasalukuyan namang inaalam ng pulisya ang mga indibidwal na huling nakausap o naka-chat ng biktima bago ito nasawi.
Hinihintay rin ang resulta ng post mortem examination upang makumpirma kung positibong ginahasa ang biktima bago pinaslang
- Latest