Nadismaya sa anak
Dear Dr. Love,
Ako po si Antonio, isang ama na ngayon ay hindi alam kung paano haharapin ang sakit at pagkadismaya sa aking anak na babae.
Nursing graduate siya—matalino, masipag, at siya sana ang inaasahan naming mag-aahon sa amin sa hirap ng buhay.
Lumaki siyang may pangarap, at ang buong pamilya namin ay ginawa ang lahat para masuportahan siya sa pag-aaral.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, nabuntis po siya bago pa man makapag-board exam. At ang mas masakit, hindi niya man lang kami kinausap. Inilihim lang niya—parang hindi niya na kami isinama sa mga desisyon niya sa buhay.
Hindi ko po siya sinaktan, Dr. Love. Pero hindi ko rin siya matingnan sa mata. Hindi ko alam kung paano ipapakita ang suporta kung sa loob-loob ko ay parang nawala ang pangarap namin...ng pamilya namin.
Nahihirapan po akong tanggapin ang nangyari. Hindi ko na rin alam kung mabuting ama pa ba akong maituturing, kung hindi ko na siya kayang yakapin gaya ng dati.
Mali ba ako kung nasasaktan ako? O mali ba siya na hindi kami inisip?
Antonio
Dear Antonio,
Ang damdamin mo – ang sakit, ang pagkadismaya, ang pagtatanong – lahat ng iyon ay bahagi ng pagkatao. Hindi ‘yon mali.
Ang iyong mga pinagdaraanan, ang iyong pagmamahal bilang ama, ang iyong panga-ngalaga sa pangarap ng pamilya na pinagtulungan ninyo – lahat iyon ay nagtutulak sa iyo na ipakita ang kanyang pagkakasala. Pero hindi mo kailangang gawin iyon.
Hindi mo kailangang ipilit sa kanya o magsalita ng lalong makapanghihina sa iyo at sa iyong anak. Sa ngayon hindi niya kailangan ang paliwanag, ang kailangan niya ay isang ama na handa siya mahalin sa kabila ng lahat.
Paano bubuuin muli ang pamilyang may bitak? Ang katotohanan ay hindi mo kayang kontrolin ang desisyon ng isang tao, lalo na kung siya ay nasa isang matinding punto ng kanyang buhay.
Pagtanggap kahit may mga bagay na hindi mo kayang malaman ang dahilan kung bakit nangyari ang dapat pairalin; pagtanggap kahit hindi ka pa handa na makita siya sa pangangailangan ng pagyakap mo, kahit na masakit.
Ipakita mo sa kanya na kahit na hindi ka makapaniwala sa matinding sakit na idinulot ng kanyang desisyon, may isang bakas pa rin ng pag-asa mula sa iyo. Kahit hindi na ito ang pangarap na iyong inaasahan. Dahil ang buhay ng kanyang magiging anak ang iyong pipiliin. Magpatuloy ka sa pagiging magulang sa kanya sa pinaka magagawa mong paraan – hindi na siguro para sa inaasahang tagumpay, kundi sa pag-unawa na ikaw ay andiyan pa rin, kahit na biglang naglaho sa ang inyong mga pangarap.
DR. LOVE
- Latest